-- Advertisements --

Tinawag ng isang senior NATO intelligence official na mistulang napupunta sa stalemate ang diskarte na giyera ng Russia sa Ukraine.

Ginawa ang naturang assessment bunsod na rin na sa Huwebes ay mag-iisang buwan na ang pag-atake ng Russia pero hindi pa rin bumabagsak ang gobyerno ng Ukraine.

Liban nito, ang ground forces ng Russia ay natengga rin sa pag-usad sa maraming lugar.

Hanggang ngayon ay hindi pa nakakamit ng Russia ang tinatawag na air superiority o tuluyang makontrol ang himpapawid.

Ito ay sa kabila na masyadong napakalakas ng puwersa armada ni Russian President Vladimir Putin.

Samantala, ipinagtataka naman daw ng Amerika kung sino ang nagsisilbing military commander ng Russian ground forces lalo na at maraming sablay itong istratehiya.

Napansin din na watak-watak ang Russian assault na nagpapakita lamang ng kakulangan ng theater-wide commander.

Una nang napaulat na limang military generals na ang napapatay daw ng Ukraine troops, pero hindi pa rin ito kinukumpirma ng Russia.

Ang naturang scenario ay nagbunsod sa paniniwala ng ilang analysts na gumagamit na ngayon ang Russia ng kanilang tinaguriang precision-guided munitions.

Ito ay isang napakamodernong missiles na kayang magtaget ng eksaktong lokasyon.

Sinasabing napapadalas daw ang paggamit ngayon nito ng Russia para sa mas matindi pa na pambobomba taliwas sa unang bahagi ng invasion na gumagamit ng dumb bombs.

Ang dumb bombs ay walang teknolohiya sa pagpokus sa eksaktong target na titirahin ng missiles attack.