LEGAZPI CITY – Nagpulong na ang disaster response team na nakatutok sa mga aktibidad ng bulkang Taal hinggil sa isasagawang istratehiya sakaling abutin pa ng ilang linggo o buwan ang mga apektado sa evacuation centers.
Pumapalo na kasi sa mahigit 30,000 pamilya ang inilikas mula sa 14-kilometer danger zone ng bulkan na inaasahang madaragdagan pa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Office of the Civil Defense (OCD)-Calabarzon information officer Alex Masiglat, pinaghahandaan ng concerned agencies ang “worst-case scenario” sa pagputok ng bulkan.
Sa direktiba ng Department of Interior and Local Government (DILG), ilan sa mga designated evacuation centers ang ipinasara habang inilipat rin sa ligtas na jail facilities sa ibang lokal na pamahalaan ang mga persons deprived of liberty (PDL).
Pinag-aaralan na rin ang pag-extend sa humanitarian assistance na bumubuhos mula sa food items, potable drinking water, psychosocial services at marami pang iba.
Sa kabilang dako, tuloy naman aniya ang rescue sa mga hayop na nananatili sa volcano island at ilan pang lugar kapag nagkakaroon ng “window hours” sa pagpasok ng mga residente.