Kapwa mga beteranong direktor ang itinalaga ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danny Lim bilang bagong miyembro ng Metro Manila Film Festival (MMFF) Executive Committee (ExeCom).
Ito ay sina Laurice Guillen at NCCA (National Commission for Culture and the Arts) Chairman Nick Lizaso.
“Their track record speaks for themselves,” saad umano ng MMDA chairman.
Noong nakaraang linggo nang alisin sa ExeCom si Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairperson Liza Diño sa gitna ng isyu na nila-lobby nito ang paghawak sa taunang MMFF.
“So, kung wala tayong prosesong sinusunod at sabihin at puwede nang magtanggal ng kahit sino, it gives other…how can we be assured na may due process sa ganitong bagay?” ani Diño.
Ang 73-anyos na si Guillen ay ang pinakaunang FDCP chair at kasalukuyang pinuno ng Cinemalaya Foundation, Inc.
Habang si Lizaso naman ay presidente rin ng Cultural Center of the Philippines.
Una nang itinanggi ng 2001 Mutya ng Pilipinas-Tourism International ang usap-usapang nagla-lobby sila ng celebrity partner na si Ice Seguerra sa Kongreso para mapunta sa FDCP ang pag-handle ng MMFF.
Kung maaalala, tila napipikon na si MMDA spokesperson Celine Pialago sa pagsasabing dapat ay inaayos muna maigi ng FDCP ang kanilang local film festival na Pista ng Pelikulang Pilipino bago pag-intersan ang MMFF na mas malaking Filipino movie festival.
Si Pialago ay naging kontrobersyal sa Miss Philippines Earth 2014 dahil sa maling paglalarawan nito sa hinimatay na co-candidate kung saan kanyang sinabi sa panayam na “she passed away.”