Director ng award winning na pelikula, excited at proud sa pagpapalabas nito sa mga sinehan sa South Korea
KALIBO, Aklan —- Magkahalong tuwa at pagkagulat ang nararamdaman ng isang director matapos mabigyan ng pagkakataong maipalabas ang kanyang award winning na pelikula sa mga sinehan sa South Korea simula sa Nobyembre 23, 2022.
Sa panayam ng Bombo Radyo Kalibo, sinabi ni Arden Rod Condez, director ng pelikulang “John Denver Trending” na hindi na niya inaasahang itutuloy ng kanilang distributor sa South Korea ang naturang plano dahil maliban sa pagtama ng pandemya ay masyadong magastos ang wide theatrical release sa naturang bansa.
Ang pelikula ay kaugnay sa cyber bullying na ibinase sa isang totoong istorya ng isang bata at estudyanteng naging trending online dahil sa isang akusasyong hindi naman niya ginawa partikular ang pagnakaw ng iPod na labis na naka-apekto sa kanyang buhay.
Ang naturang pelikula ay pinagbibidahan ni Jansen Magpusao, isang estudyante ng Aklan State University.
Karamihan umano sa location ng shooting nito ay isinagawa sa Pandan, Antique.
Isinalaysay pa ng director na pagkatapos ng premier ng kanyang kauna-unahang pelikula noong 2019 ay napili sila ng Busan International Film Festival, itinuturing na pinakamalaking filmfest sa Asya, na ipalabas ang kanilang pelikula doon.
Ang “John Denver Trending” ay ang kauna-unahang Filipino film na magkakaroon ng wide screening sa South Korea.
Ang pelikula ay nauna nang tumanggap ng award bilang Best Film at Best Actor para kay Magpusao noong 2019 sa Cinemalaya Independent Film Festival
Sa kasalukuyan ang pelikula ay mayroong 15 awards mula sa iba’t-ibang local at international film festivals.