KALIBO, Aklan – Muling ibinalik ang 24 oras na operasyon ng Kalibo International Airport.
Ayon kay Engr. Eusebio Monserate, Jr. manager ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Aklan ito ay bilang paghahanda sa tumaas na bilang ng mga flights araw-araw gayundin ang pagbabalik ng commercial flights mula sa Korea.
Dahil sa nasabing hakbang, ilang airline companies ang nahikayat na magbalik operasyon sa paliparan.
Sa katunayan aniya ay nakatanggap na sila ng mga proposal mula sa mga airline company para sa posibleng flight sa Kalibo airport matapos na mabatid na hindi na limitado ang oras ng kanilag operasyon.
Samantala, kinumpirma ni Engr. Monserate na magsasagawa na ng flights mula Incheon, South Korea papuntang Kalibo airport ang T’way Airlines sa June 17 na may dalawang flights bawat linggo habang magsisimula ang unang flight ng Air Seoul Airlines sa June 22 na may apat na flights per week.
Inaasahang nasa 200 turistang Koreano ang sakay ng bawat flight mula sa dalawang nabanggit na airline companies.










