Kung si Sen. Koko Pimentel daw ang tatanungin, wala ng saysay ang paghahain ng diplomatic protest kaugnay ng inilabas na ban ng Estados Unidos sa mga opisyal ng bansa na sangkot umano sa pagpapakulong kay Sen. Leila De Lima.
Sa isang panayam sinabi ni Pimentel na kailangang respetuhin ng estado ang naging desisyon ng lehislatura sa Amerika dahil may sariling proseso rin na sinusunod ang pamahalaan ng Pilipinas.
Natitiyak din ng mambabatas na hindi ikokonsidera ng mga senador sa Amerika na baguhin ang kanilang naging desisyon.
Kung maaalala, inaprubahan ni Pres. Donald Trump ang 2020 national budget ng Amerika kung saan nakapaloob ang probisyon nina Sen’s. Richard Durbin at Patrick Leahy na nagpapa-ban sa mga nasabing opisyal ng Pilipinas.
Naiintindihan daw ni Pimentel na bahagi ng prerogatibo ng kahit anong bansa ang pagpapataw ng ban.
Pero hindi umano ibig sabihin nito na may hurisdiksyon na rin ang Estados Unidos sa mga aktibidad at prosesong ipinatutupad sa labas ng kanilang teritoryo.