-- Advertisements --

ILOILO CITY – Tulad ng inaasahan, bumuhos ang mga sumaksi sa performance ng mga competing tribes sa highlight ng Dinagyang Festival 2020 na may temang “Perfect Vision: Celebrating the Ilonggo Spirit in Honor of Senyor Santo Niño.”

Walong tribu ang nakilahok sa Dinagyang 360 degrees o arena type performance sa apat na judging areas.

Unang tribu na nagpakitang-gilas ay ang Tribu Panayanon ng Iloilo City National High School.

Pumangalawa ang Tribu Baybayanon ng Melchor Nava National High School, special performance ng Hubon Mangunguma ng Manggahan Festival ng Guimaras, at Tribu Ilonganon ng Jalandoni Memorial National High School.

Mahigit sa 20 minuto namang naantala ang performance ng Tribu Salognon ng Jaro National High School dahil sa pagdating ni Madame Honeylet Avanceña na siyang guest of honor.

Sinundan ito ng special performance ng Arevalo Elementary School na siyang kampeon sa Tambor Trumpa Matsa Musika o drum and lyre competition noong 2019, Tribu Hugponganon ng Tiu Cho Teg Ana Ros Integrated School, Tribu Baryohanon ng Bo. Obrero National High School, Tribu Paghidaet ng La Paz National High School, Parada ng Miss Iloilo 2020 Queens, at Tribu Dagatnon ng Ramon Avanceña National High School.

Ang bawat tribu ay may sariling konsepto tungkol kay Sr. Sto Nino.

Una rito, may isinagawang misa sa San Jose Parish Placer sa pamumuno ng kura paroko na si Fr. Raymundo Edsel Alcayaga.

Pagkatapos nito ay agad na nagsimula ang programa sa Iloilo Freedom Grandstand.

Kabilang sa mga nagbbigay ng mensahe ay sina Iloilo Festivals Foundation Inc. President Atty. Joebert Peñaflorida, Iloilo City Mayor Jerry Treñas, Iloilo City Lone District Rep. Juliene “Jam-Jam” Baronda, Iloilo Gov. Arthur Defensor Jr., at Ilonggo Senator Franklin Drilon.

Ayon kay Mayor Treñas, malaki ang naiambag ng Dinagyang Festival upang makilala ang Iloilo City.

Sa panig ni Sen. Drilon na babawiin ng Iloilo City ang titulong Queen City of the South.