BUTUAN CITY – Mayroon nang Special Investigation Task Group (SITG) ang Surigao City Police Station para sa mas malaliman pang imbestigasyon kaugnay sa pagbaril kay Dinagat Islands provincial board member Wenefredo Olofernes na kanyang ikinasawi.
Ayon kay Pol. L/Col. Randy Amaro ng Dinagat Islands Provincial Police Office, ito ay upang makilala na ang riding-in-tandem suspects na bumaril sa biktima na pauwi na sana mula sa pag-exercise sa parke ng Barangay Luna, Surigao City.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ng opisyal na gumawa na sila ng re-enactment sa crime scene upang kanilang makuha ang eksaktong puwesto at distansya ng suspek mula sa biktima.
Patuloy din ang kanilang koordinasyon sa mga may-ari ng ibang establishment upang makita ang closed-circuit television camera footages na posibleng maging daan upang magkaroon na sila ang malinaw na lead sa insidente.
Dagdag pa ni Col. Amaro, mayroon na silang mga persons of interest ngunit kailangan pa nilang pagtibayin ang kanilang identity sa pamamagitan ng mga mabibigat na ebidensya.
Nilinaw din nito na nananatili sa P100,000 ang reward money para sa makapagtuturo sa responsable sa krimen at maghihintay na lamang sila sa Dinagat Islands Police Provincial Office kung kanila itong dadagdagan para sa agarang pagkilala sa suspek at sa pagkakahuli nito.
Samantala, ililipat din ngayong araw mula Surigao City patungo sa Dinagat Islands province ang bangkay ng opisyal upang doon ipagpatuloy ang burol nito.