-- Advertisements --

Wala raw nakikitang paglabag ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa pagbisita ni Presidential spokesperson Harry Roque kamakailan sa isang theme park sa Zambales, kahit nasa gitna pa ng COVID-19 pandemic ang bansa.

“Wala po kaming nakikitang problema doon sa ginawa ni spokesperson Harry Roque. Bakit po? Unang-una po yung lugar na ‘yun sa Subic, Zambales ngayon po ay under MGCQ na,” ani Interior Usec. Jonathan Malaya sa Laging Handa public briefing.

“At noong pumunta po si Spokesman Harry Roque doon it was MGCQ, ibig-sabihin pwede na mag-operate ang mga tourist facilities up to 50 percent,” dagdag pa ng opisyal.

Dagdag pa ni Malaya, may basbas ang biyahe ni Roque sa Ocean Adventure dahil sa kanyang “business interest” sa Bataan kung saan may negosyong pag-aari ang Palasyo.

Bukod dito, itinuturing daw na APOR (authorized person outside of residence) ang tagapagsalita ng pangulo.

“Not only because may binisita siyang negosyo doon dahil meron siyang business interest but also because he’s a government official,” ani Malaya.

Agad tinanggal ng establisyemento ang mga larawan ni Sec. Roque sa kanilang Facebook page matapos ulanin ng kritisismo.

Nauna na ring humingi ng tawad ang opisyal at tiniyak na walang nilabag na panuntunan sa quarantine.