Wala pang imbestigasyon na inilulunsad ang Department of Interior and Local Government (DILG) na may kaugnayan sa mga kakandidato sa pagkapangulo sa halalan sa darating na Mayo.
Sinabi ito ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya kasunod na rin nang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo DUterte na mayroong ilang presidential aspirants ang guilty umano sa korapsyon.
Ayon kay Duterte, bago sumapit ang halalan ay isisiwalat niya ang aniya’y ‘most corrupt’ presidential candidate bilang obligasyon niya raw na sabihin sa mga Pilipino ang mga alam niya upang sa gayon matulungan din ang mga ito na pumili sa kung sinuman ang papalit sa kanya sa puwesto.
Sa kabilang dako, sinabi ni Malaya na mahirap ipatupad ang campaign rules ng Commission on Election hinggil sa physical contact, pero kanilang sisikapin aniyang magampanan ang kanilang obligasyon.
Para naman sa mga maitatalang paglabag sa campaign rules, sinabi ni Malaya na dapat ito ay properly documented upang sa gayon mayroong ebidensya sakali mang mauwi sa pagsasampa ng kaso.