-- Advertisements --

Nanawagan si Interior and Local Government Sec. Eduardo Año sa mga lokal na pamahalaan na pahintulutan ang mga sasakyang maghahatid sa mga umuwing overseas FIlipino workers (OFWs) papunta sa mga designated quarantine areas sa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic.

Ginawa ni Año ang naturang panawagan matapos na pagbawalan ang mga OFWs na umuwi ng Pilipinas galing sa tatlong magkakaibang bansa na makapunta sa kanilang designated quarantine facilities sa Batangas sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine dahil sa COVID-19.

Sa ilalim ng guidelines na inilatag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), ang mga uuwing OFWs ay kailangan na sumailalim sa mandatory 14-day quarantine bago payagang makabalik sa kanikanilang mga bahay para maiwasan ang posibleng transmission ng nakakamatay na sakit.

Sakay sa mga bus, bumiyahe ang mga bus papintang Batangas base na rin sa memorandum na inilabas ni DILG regional director Noel Bartolabac.

Pero sa isang panayam, iginiit ni Batangas Governor Hermilando Mandanas na hindi siya sinabihan sa memorandum na ito pero tiniyak naman niyang magpapaabot siya ng tulong sa mga OFWs na ito.