-- Advertisements --

Hindi nagustuhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang naging pahayag ng mambabatas na si Cong. France Castro ng Makabayan Bloc na tinawag na “witch-hunt” ang ginagawa ngayon ng mga barangay officials na inventory sa kanilang mga constituents lalo na yung mga hindi bakunado laban sa Covid-19.


Ayon kay DILG Spokesperson USec Jonathan Malaya ang kautusan ng departamento kung saan inatasan ang lahat ng mga barangays na ilista ang mga hindi bakunadong indibidwal sa kanilang lugar ay hindi labag sa batas bagkus maging ang Commission on Human Rights ang nagsabi na hindi paglabag sa right to privacy ng isang indibidwal ang nasabing hakbang.

Sinabi ni Malaya na ang pahayag ng nasabing mambabatas sa naging direktiba ng Pangulong Duterte at ang mga ipinasang ordinansa ng mga LGUs na isang “witch-hunt” ay isang irresponsible and uncalled for na pahayag.

Layon ng pagsasagawa ng inventory ay para protektahan ang mga unvaccinated individuals na mahawa ng nakamamatay na virus lalo na ngayon na may banta ng Omicron variant at patuloy ang pagtaas ng kaso.

Kaya sabi ni USec Malaya paano naging “witch-hunt” ang nasabing hakbang.

Giit ni Malaya na walang basehan ang pahayag ni Cong. Castro na ang direktiba ng DILG ay unconstitutional at violative sa right to privacy ng isang indibidwal.

Bagkus ang nasabing polisiya ay nakapaloob sa Republic Act (RA) No. 10173 or the “Data Privacy Act of 2012” at RA No. 11332 or the “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act”.

Ayon kay Malaya, kailangang timbangin ang karapatan ng isang tao at ang kanyang pananagutan o responsibilidad sa lipunan.

Siniguro naman ng DILG sa Commission on Human Rights na ang gagawing inventory sa mga unvaccinated individuals ay hindi isasapubliko at magsisilbi lamang itong reference ng mga barangays na magpapatupad sa ordinansa na ipinasa ng mga LGUs.

Giit ni Malaya, mahalaga na matukoy ang mga hindi pa bakunadong indibidwal para maprotektahan ang lahat.

Buwelta ni Malaya kay Cong. Castro, tulungan na lamang ang gobyerno at ang mga kababayan natin na nawalan ng trabaho at nangangailangan ng ayuda dahil sa nararanasang pandemya.