Iginiit ni Interior Secretary Benhur Abalos Jr. na dapat na sampahan ng kaso ang retiradong pulis na nakunan ng video na bumunot ng baril at pinaghahampas ang siklista sa Quezon City.
Ayon kay Abalos, hindi maaaring payagan ang mga bully na maglibot-libot at manakot sa mga tao gamit ang mga nakamamatay na armas. Aniya, dapat ay may kahihinatnan ito.
Ang pahayag ni Abalos ay tumutukoy sa isang insidente malapit sa Welcome Rotonda noong Agosto 8, kung saan isang retiradong pulis ang bumunot at nagkasa ng baril sa kasagsagan ng pakikipagtalo sa siklista.
Kinilala ang dating pulis na si Wilfredo “Willy” Gonzales.
Giit ni Abalos, kahit nakipagkasundo na si Gonzales sa biktima, maaari pa ring magsampa ng mga kasong kriminal kahit tumanggi ang biktima na magreklamo.
Kasabay nito ang pagtiyak ni Abalos na siyang namumuno sa National Police Commission (Napolcom), na babantayan nila ang tugon ng Philippine National Police hinggil sa insidente.