-- Advertisements --

Naniniwala umano si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na hindi lumabag ang pamahalaan sa pagpapaturok ng bakuna laban sa coronavirus ng ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG).

Paglilinaw ng kalihim na ang ipinagbabawal sa batas ay ang pagbebenta ang pamamahagi ng bakuna na hindi pa aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).

Giit pa ng vice chairperson ng pandemic task force ng bansa na hindi naman daw kailangan ng approval ng FDA ang ginamit na bakuna dahil “personal consumption” umano ang pagtuturok nito.

Mayroon na raw kasing emergency use authorization (EUA) ang ginamit na bakuna mula sa bansa na pinanggalingan nito.

Matatandaang ikinagalit ng mga healthcare group matapos isiwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte na naturukan na ng COVID-19 vaccine mula sa chinese pharmaceutical na Sinopharm ang ilan sa kaniyang close-in security guards.

Dapat kasi ay pang-lima ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kabilang na ang PSG, sa listahan ng priority list.

Una nang sinabi ng FDA na iligal ang paggamit ng hindi otorisadong bakuna.

Subalit para kay Año, ginawa raw ito upang protektahan ang pangulo ng Pilipinas.