-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan, partikular na sa Bicol region at mga kalapit na lugar, na magpatupad ng mga kinakailangan na protocols sa paghahanda para sa Bagyong Ulysses.

Pinayuhan ni Interior Secretary Eduardo Año ang publiko na sumunod na sa preemptive evacuation na ipapatupad ng mga lokal na pamahalaan, lalo na iyong mga nakatira sa mga low-lying areas.

Umaasa aniya ang DILG, pati na rin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na makikipagtulungan ang publiko sa paghahanda na ginagawa ng pamahalaan sa epekto ng Bagyong Ulysses.

Binigyan diin ni Año na inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na maghanda at ipatupad ang Operation Listo protocols pati na rin ang DILG Memorandum Circular No. 2020-125 – LISTO SA TAG-ULAN AT COVID-19: Preparedness Measures of LGUs for the Rainy Season CY 2020.

Bukod dito, dapat ay may naka-prepositioned na rin na mga supplies, equipement at personnel para sa agarang pagtugon sa mga nangangailangan o pangangailangan ng mga biktima ng mga pag-ulan.

Sinabi rin ng kalihim na dapat i-activate ng LGUs ang kanilang barangay disaster councils para sa maagang paglalabas ng mga warning advisories at monitoring sa mga lugar na madalas binabaha o nakakaranas ng storm surge.

Samantala, nananawagan naman ang NDRRMC sa mga residente na manatiling connected sa mga opisyal ng kanikanilang mga lugar pagdating sa mga preemptive evacuation measures.

Pinayuhan din ng NDRRMC ang mga LGUs na tiyakin ang wastong dissemination ng mga impormasyon patungkol sa Bagyong Ulysses sa kanikanilang mga lugar.