-- Advertisements --
dilg sec benhur abalos jr

Inatasan ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. ang lahat ng mga nasasakupang ahensya nito na magsagawa at maghatid ng mga kinakailangang tulong para sa mga kababayan nating biktima ng malakas na lindol sa malaking bahagi ng Davao Region.

Ito ay kasunod ng naging direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay sa pagyanig ng magnitude 7.2 na lindol sa lugar.

Partikular na inatasan ngayon ni Abalos ay ang Bureau of Fire Protection na magpadala ng mga tauhan nito sa nasabing lugar upang ma-access ang mga pinsala sa mga gusali at iba pang mga imprastraktura, maging ng mga medical teams para tulungan ang mga kababayan nating nasaktan nang dahil sa naturang pagyanig.

Kaugnay nito ay nagdeploy din ang DILG ng nasa 292 fire trucks, 17 ambulansya, 9 na rescue trucks, at halos 1,800 na emergency personnel para naman sa agarang tulong anumang oras.

Samantala, kasabay nito ay tiniyak ng kalihim na nakatutok din ang lahat ng mga local chief executives at kapulisan sa mga apektadong lugar upang siguraduhin ang kaligtasan ng mga kababayan natin doon.

Habang patuloy din ang panawagan nito sa mga apektadong residente na mag-ingat lalo na sa mga posibilidad ng aftershocks at palagiang pagsunod din sa mga lokal na opisyal.