Nagbabala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa pagkakakulong at multa na aabot sa P1 milyon para sa mga lalabag sa taas ng presyo ng bigas na magkakabisa sa bukas araw ng Martes, Setyembre 5.
Ang price cap ay nasa ilalim ng Executive Order (EO) 39 na inisyu ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at ang mga paglabag ay kinabibilangan ng mga parusa mula sa isang taon ngunit hindi hihigit sa 10 taong pagkakakulong at multa mula P5,000 hanggang P1 milyon sa pagpapasya ng korte.
Hiniling din ng DILG sa publiko na sumunod sa price cap na P41 kada kilo para sa regular-milled at P45 kada kilo para sa well-milled na bigas.
Ang mga indibidwal o grupong sangkot sa iligal na manipulasyon ng presyo ng mga pangunahing bilihin ay nahaharap sa pagkakakulong na hindi bababa sa limang taon at hindi hihigit sa 15 taon at magbabayad ng multa na hindi bababa sa P5,000 hanggang P2 milyon.
Kung matatandaan, si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na kasabay na nakaupo bilang Kalihim ng Department of Agriculture (DA) ay lumagda sa EO 39 dahil ang retail na presyo ng bigas sa mga lokal na pamilihan ay tumaas sa P45 hanggang P70 kada kilo sa kabila ng sapat na suplay nito.
Muling iginiit ni DILG Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. na magsasagawa ang departamento ng malawakang information drive bilang pagsunod sa Executive Order (EO) 39 ng Presidente, na nagpapataw ng mga price ceiling sa bigas.
Binanggit niya na ang target ng information campaign ay ang pampubliko at pribadong merkado sa buong bansa kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno ay inaatasan na tumulong sa ganap na pagpapatupad ng EO 39.