-- Advertisements --

Muli na namang nagbabala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa local governments ng Aklan at Malay dahil sa paglabag daw sa touristh threshold o ang kapasidad na dapat sundin sa pagpapapasok ng turista sa Boracay sa isang araw.

Sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na mapipilitan silang mag-isyu ng show cause order kapag patuloy na nalalabag ang daily maximum capacity ng Boracay.
Kung maalala, pumalo daw sa mahigit 20,000 ang bilang ng mga turistang bumisita sa isla noong Maundy Thursday at Good Friday na lagpas sa 19,215 na limit sa kada araw bago ang pandemic noong 2018 para raw sa ecological balance.

Ayon kay Ano, kapag patuloy daw na magkakaroon ng paglabag sa pagsunod sa itinakdang kapasidad ng isla ay mawawalan ng saysay ang lahat ng pagpupursige ng pamahalaan na linisin ang isla.

Binanatan din ni Año si acting Malay Mayor Frolibar Bautista dahil umano sa pag-downplay sa pagbuhos ng mga turista sa isla ngayong mayroon pang pandemic.

Binigyang diin ni Ano na noong 2018 pa lamang at wala pang pandemya ay itinakda na raw ng pamahalaan kung ano ang kapasidad ng Boracay partukular dito ay dami ng pwedeng tanggapin na turista ng isla.