Sinupalpal ni Interior Secretary Eduardo Año ang Communist Party of the Philippines dahil sa di-umano’y pamimilit daw nito sa mga local government units (LGUs) na ideklara ang CPP, New People’s Army at National Democratic Front bilang persona non grata.
Ayon kay Año, may utak ang bawat LGUs para malaman kung ano ang tama at mali.
Hindi raw dapat maliiin ang kakayahan at pag-iisip ng mga local government officials. Hindi umano mangmang ang mga LGUs at hindi sila madidiktahan na gumawa ng mga bagay na labag sa kanilang kalooban.
Ang katotohanan aniya ay mulat ang mga mata nila at saksi rin ang mga ito sa panloloko ng CPP-NPA-NDF sa kanilang mga lugar.
Batid din ng mga ito ang harassment at extortion activities na ginagawa ng mga komunista sa mga negosyo at raids sa tropa ng gobyerno na naging dahilan para mamatay ang nasa 40,000 miyembro ng pulis, military at sibilyan sa loob ng nakalipas na 50 taon.
Kaya hindi na raw nakapagtataka na ideklara ng mahigit 1,500 LGUs na persona non grata ang mga kriminal at teroristang ito dahil matagal na raw silang nagpapahirap sa bayan at salot sa lipunan.
Kung maaalala, inanunsyo ng DILG na umabot na ng 1,546 mula sa 1,715 local gobernment units (LGUs) sa bansa ang idineklara bilang persona non grata ang Communist Party of the Philippines.
Binubuo ang mahigit 1,500 na LGUs ng 64 probinsya, 110 syudad at mahigit 1,300 munisipalidad.
Halos 12,474 naman ng 42,046 na mga barangay sa bansa ang hindi rin tanggap ang mga komunista, at nagdeklara na rin bilang persona non grata ang mga rebelde.
Dagdag pa ng kalihim na mas maliwanag pa raw sa sikat ng araw na isinusuka na ng sambayanan ang mga komunista at ang mga front organizations nito.
Labis naman ang pasasalamat ni Año sa mga LGUs na nagsasarado ng kanilang pintuan at ipinapakita ang kanilang mariing pagtutol sa mga komunistang grupo.