-- Advertisements --

Binawi ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang inilabas nilang show-cause order laban kay Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso dahil sa umano’y kakulangan ng pamahalaan sa anti-illegal drugs noong 2018.

Sa isang memorandum na pirmado ni Interior Undersecretary Ricojudge Janvier Echiverri, nakasaad na ang nailabas na show-cause order ay isang “inadvertent re-issuance.”

Dahil sa error na ito, at base na rin sa kanilang polisiya at procedures na sinusunod sa kagawaran, sinabi ni Echiverri na kanilang binabawi ang show-cause order laban sa alkalde.

Base sa memorandum, may nauna nang show-cause order na pinadala sa Manila City government noon pang 2019 dail sa bagsak ang lungsod sa nti-Drug Abuse Council audit noong 2018.

Pero ayon kay Echiverri, ang tinutukoy sa naturang memorandum ang mahinang performance ng local government unit sa ilalim ng liderato ni dating Mayor Joseph Ejercito Estrada.

Ang show-cause order naman na inilabas noong Hulyo 9, 2021 ay ikalawang dokumento nang ipinadala ng DILG sa LGU.

Dito nakasaad naman na base sa kanilang assessment at sa verification sa 2018 Anti-Drug Abuse Council performance audit, bigo ang Manila LGU na makapag-comply sa policy at program na nakaatas dito, lalo na sa standards at pagsunod din sa mga hakbang na inilatag ng National Anti-Drug Abuse Council Audit.