Naglabas ng isang memorandum circular si DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. na nag aatas sa lahat ng mga local chief executives na maghanda sa posibleng maging epekto ng nararanasang matinding init ng panahon ngayon sa bansa.
Ito ay matapos na maglabas ang Department of Science and Technology ng El Niño alert sa harap ng inaasahang phenomenon na posibleng maramdaman sa susunod na tatlong buwan na posibleng magtagal hanggang sa unang bahagi ng taong 2024.
Dito ay inatasan ni Sec Abalos ang lahat ng mga local chief executives na gumawa ng mga hakbang na makakatulong na mapagaan ang magiging epekto ng El Niño sa kani-kanilang mga lugar.
Kabilang na rito ay agarang paglalabas ng ordinansa ukol dito at maging sa pagsasagawa ng malawakang information drive hinggil sa tamang pagtitipid sa tubig at kuryente.
Hinikayat din ang mga local chief executives na makipag ugnayan sa Department of Agriculture para sa pagsasagawa ng iba’t ibang pamamaraan tulad ng cloud seeding operations, rotational irrigation scheme, water saving technology, at marami pang iba.
Habang inatasan naman ang BFP na iwasan muna ang paggamit ng tubig mula sa mga fire hydrants kung hindi kinakailangan.