Umapela ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga local government units (LGUs) na tanggapin naman ang mga uuwing locally stranded individuals (LSIs) na matagal na-stranded sa Metro Manila dahil sa COVID-19 pandemic.
“Dahil nga po stranded na po sila dito sa Maynila, desperado na po silang makauwi, kailangan po natin silang tanggapin,” ani Usec. Jonathan Malaya sa Laging Handa public briefing nitong araw.
May bitbit naman daw na medical certificates at travel authorities ang mga uuwing LSIs, gayundin na isasailalim sila sa rapid test.
“Kung gugustuhin po ng mga mayor na ipa-rapid test ang mga papauwing LSI, desisyon na po ‘yan ng mga local government units. Ang sinasabi lang po namin, you may impose whatever health protocols you would like to impose, but please do not stop these LSIs from going home.”
Binigyang diin ni Malaya na may karapatang umuwi ang stranded individuals.
Ngayong Sabado magsisimula ang biyahe pauwi ng nasa 4,000 LSIs sa Mindanao at ibang bahagi ng Luzon.










