Pinaalalahanan ni Interior Undersecretary Jonathan Malaya ang mga opisyal ng pamahalaan na maging magandang huwaran sa publiko sa pamamagitan nang pagsunod sa nakalatag na COVID-19 health protocols.
Kung hindi aniya kayang sumunod ng mga opisyal ng pamahalaan na ito sa minimum health standards sa gitna ng pandemya sa tuwing maimbitahan sa isang event ay mas mainam na huwag na lamang dumalo ang mga ito.
Iginiit ni Malaya na inaasahan ng taumbayan na susunod ang mga public officials sa polisiya ng pamahalaan kaya sa oras na hindi tutugon ang mga ito ay tiyak hindi rin susunod ang publiko.
Sa ngayon, iniimbestigahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga events na dinaluhan nina presidential spokesperson Harry Roque at Senator Manny Pacquiao sa Cebu at Batanggas kung saan napaulat na hindi nasunod ang social distancing.
Nauna nang sinabi ni Roque na dumalo siya sa event bilang guest at wala siyang kontrol sa bilang ng mga attendees, pero hinimok naman niya ang mga ito na sumunod sa health protocols.
Ayon kay Malaya, ang pulisya na ang bahalay sa pagiimbestiga sa posibleng mga paglabag sa quarantine protocols.