-- Advertisements --

Hindi na raw kailangang sampahan ng kaso si dating Manila City Mayor Joseph “Erap” Estrada matapos akusahan ng hindi pagtu-turn over ng transition documents nang umupo ang bagong alkalde ng siyudad na si Isko Moreno.

Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG), sinunod naman ng transition team ni Estrada ang pagsasalin ng mga dokumento sa tanggapan ng DILG field office sa Maynila noong June 28.

Ipinadala naman daw ito ng naturang tanggapan sa bagong city administrator nitong July 2, na siyang ikalawang araw sa tungkulin ni Moreno.

Paliwanag ng kagawaran, hindi nakadalo si Estrada sa turn over ceremony ng posisyon kaya ipinadala na lang ng panig nito ang transition documents sa DILG field office.

Bukod dito, hindi rin umano tinanggap ng bagong secretary to the mayor ang dokumentong inindorso ni dating city admnistrator Ericson Alcovendaz kaya sa DILG local office na lang ito nagsumite.

“Based on the results of the fact-finding investigation, we find no basis to file administrative charges against former Mayor Estrada as we have confirmed from a report submitted by our regional office that the required documents were endorsed by former City Administrator Ericson Alcovendaz to Mayor Moreno’s transition team and the DILG Manila Field Office on June 28, 2019,” ayon kay DILG Asec. Jonathan Malaya.