Nagbabala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa publiko na huwag lumangoy nang lango sa alak habang nakabakasyon ngayong Holy Week at summer season.
Ayon sa kalihim, hindi nila aarestuhin ang mga ito dahil hindi krimen ang magsaya o magkatuwaan basta’t huwag lalangoy habang nakainom ng alak.
Magpapakalat naman aniya ng mga pulis at Coast guard personnel sa mga coastal area para pagsabihan ang mga tao na huwag ng mag-swimming ng pasado alas-10:00 ng gabi dahil kadalasan nangyayari ang mga insidente ng pagkalunod sa ganitong oras.
Base sa datos ng Philippine National Police (PNP), lumalabas na mayroong 64 na insidente ng pagkalunod noong Holy Week 2025, mas mataas kumpara sa 43 insidenteng naitala ng ahensiya sa parehong panahon noong 2024.
Samantala, magpapakalat din ang pambansang pulisya ng mahigit 98,000 police officers ngayong Holy week at naka-full alert bilang parte ng security measures sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero at turista.















