Tiwala si Budget Secretary Amenah Pangandaman na makatutulong sa administrasyong Marcos na makamit ang agenda nito para sa bureaucratic efficiency at economic prosperity ang pagdi-digitize ng mga serbisyo ng mga kagawaran at tanggapan ng estado.
Ginawa ni Pangandaman ang pahayag, habang pinasalamatan niya ang Association of Government Accountants of the Philippines (AGAP) Inc. sa pag-tap sa kanya bilang keynote speaker sa apat na araw na taunang national convention seminar nito.
Ang AGAP Inc. ay isang organisasyon ng mga pampublikong tagapaglingkod na nagsasagawa ng accounting, pagbabadyet, pag-audit, cashiering, at iba pang kaalyadong tungkulin sa pananalapi mula sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan (NGA), mga local government units (LGUs), at government-owned or -controlled corporations (GOCCs) .
Sa kaniyang mensahe, inulit ni Pangandaman ang pangako ng Department of Budget and Management (DBM) na gawing digital ang mga proseso, talaan at database ng gobyerno sa pamamagitan ng e-governance.
Kinilala rin ni Pangandaman ang kritikal na papel ng accounting sa mga magkakaugnay na pampublikong tungkulin sa pamamahala ng pananalapi ng DBM, kasama ang pagbabadyet, pag-audit, pamamahala ng pera, pagkuha, pagbuo ng kita, at pampublikong pag-uulat sa mga operasyong pinansyal ng pampublikong sektor.
Ang paglipat sa e-governance, ani Pangandaman, ay mahalaga sa pagsasakatuparan ng hangarin ng gobyerno na mabigyan ng komportableng buhay ang mga Pilipino.