Binigyang-diin ng Digital Pinoys ang kahalagahan ng data privacy para sa mga ordinaryong Pilipino sa gitna ng dumaraming data breaches at lumalawak na paggamit ng artificial intelligence (AI) at digital services.
Sa isang eksklusibong panayam sa Star FM Cebu kay Ronald Gustilo, national campaigner ng Digital Pinoys, ipinaliwanag nito na napakahalaga ng pag-iingat sa personal na impormasyon dahil kapag ito ay napunta sa maling kamay, maaari itong magdulot ng seryosong panganib tulad ng identity theft.
Ayon kay Gustilo, maaaring gamitin ng mga cybercriminal ang nakuhang impormasyon para magbukas ng mga loan, gumawa ng transaksyon, bumili ng iba’t ibang produkto—kabilang na ang ilegal na kalakalan—o gamitin ang pagkakakilanlan ng biktima sa iba pang iligal na gawain.
Dahil dito, nanawagan siya ng mas mataas na kamalayan ng publiko sa online safety.
Kabilang sa mga simpleng hakbang na dapat gawin aniya ay ang pag-iingat sa pagbibigay ng personal na detalye, pagi-iingat sa pagpo-post ng lokasyon at daily activities, at masusing pag-iwas sa pakikipag-ugnayan sa mga hindi kilalang tao online.
Giit pa niya, maraming kaso ngayon ng identity theft kung saan ang mga scammer ay nagpapanggap na ibang tao upang makapanloko, kaya mahalaga ang pagiging mapanuri at mapagmatyag ng bawat isa sa digital na mundo.















