Iminungkahi ni House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda sa pamahalaan na bawasan ang excise tax sa diesel, kerosene, at gasolina mula Disyembre 1, 2021 hanggang Hunyo 1, 2022.
Ito ay kasunod na rin nang serye ng pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo sa nakalipas na buwan, na pinangangambahan ni Salceda na posibleng makaapekto sa economic recovery at price stabilization kapag magtuloy-tuloy ang naturang problema.
Sa ilalim ng inihain niyang House Bill No. 10438, iminumungkahi ni Salceda na bigyan ng exemption ang diesel at kerosene mula sa excise taxes sa loob ng anim na buwan simula sa Disyembre 1, 2021, habang ang excise tax naman sa gasolina ay gagawin na lamang na P7 kada litro mula sa kasalukuyang P10.
Ayon kay Salceda, ang proposal niyang ito ay “most fiscally sustainable” kung ikukumpara sa mga mungkahi ng iba sa harap nang pagsirit ng presyo ng langis.
Ang full year estimate para sa total suspension ng fuel excise tax ng Department of Finance ay “upwards of P130 billion.”
Sinabi ni Salceda na ang expected revenue loss mula sa suspension ng fuel excise tax ay P55.04 billion, pero ang losses na ito ay bahagyang makakapag-offset sa pagtaas naman ng value-added tax collections dahil sa pagsirit ng mga presyo ng bilihin.