-- Advertisements --

Tinutugunan na ngayon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pakikipag tulungan ng Telecommunication companies (Telcos) ang talamak na bentahan ng pre-registered simcards.

Ito’y matapos ibunyag ng Philippine National Police (PNP) na mayruon silang ikinakasang operasyon laban dito.

Sa panayam kay DICT Secretary Ivan John Uy, kaniyang sinabi na nakipag-ugnayan ang PNP sa kanilang Cybercrime Investigation Coordinating Center kasama ang mga Telcos hinggil sa bentahan ng pre-registered simcards at naka rehistro sa isang lehitimong pangalan.

Nabunyag ng mga otoridad ibinibenta ito ng mga mahihirap nating mga kababayan sa halagang P500.00.

Binigyang-diin ni Uy na gagawa sila ng mga paraan kasama ang mga telcos upang maiwasan ang mga ganitong modus.

Sa ngayon kasi, malayang nakakabili ang lahat ng simcards sa murang halaga.

Panawagan ni Uy sa mga kababayan natin na itigil na nila ang pagbebenta ng mga pre-registered sim cards dahil labag ito sa batas na may kaakibat na kaparusahan.