-- Advertisements --
cropped DICT 1 1

Tiniyak ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na walang hacking incident na nangyari at pinabulaanan ang reports ng massive data breach sa mga government agencies.

Pinawi ni DICT Assistant Secretary Jeffrey Ian Dy ang pangamba ng publiko bilang tugon sa umano’y leak ng mahigit 1.2 million records ng mga empleyado at aplikante ng iba’t ibang institusyon.

Nangangahulugan aniya na nagresulta ang misconfiguration para maging accessible ang ilang mga impormasyon sa publiko subalit hindi aniya ito pagtatangka na labagin ang security protocols ng isang partikular na ahensya ng gobyerno.

Ayon pa sa DICT official na natukoy na ng mga awtoridad ang posibleng source ng leak subalit hindi na nito idinetalye pa dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Una ng iniulat ng Cybersecurity researcher Jeremiah Fowler na ang database na naglalaman ng records ng law enforcement agencies gaya ng PNP at NBI ay na-expose sa loob ng anim na linggo. Ibinabala din nito na maaari itong magamit para sa criminal activities at mga kaakibat na security risks.

Subalit nauna ng inihayag ng Bureau of Internal Revenue, Civil Service Commission, at National Bureau of Investigation na walang data breach sa kani-kanilang ahensiya.