-- Advertisements --

Binalaan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang publiko laban sa mga website na nagre-recruit ng mga indibidwal na may background sa military.

Sa isang panayam, sinabi ni DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy na nagpapanggap umano ang mga website na nagmula sa isang Western organization pero kapag tiningnan umano ang kanilang registered domain ay naka-rehistro ito sa Chinese companies. 

Dagdag pa ni Dy, ilang daang dolyar na bayad kada oras daw ang ino-offer ng Chinese websites kaya binalaan nito ang mga militar na mag-ingat dahil baka umano sila masilaw na mag-apply. 

Binigyang-diin naman ni Dy na ang target ng mga website na ito ay hindi mga aktibong miyembro ng militar kundi ay iyong mga retirado na o umalis na sa serbisyo.

Ipinaalam na raw ng kagawaran ang gawaing ito online sa Department of National Defense maging sa intelligence sector ng gobyerno.