Nangako ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na mamadaliin ang libreng Wi-Fi program para matugunan ang pangangailangan ng mga paaralan na magbubukas ng klase kahit may COVID-19 pandemic.

Sa isang memorandum, inatasan ni DICT Sec. Gregorio Honasan ang team na humahawak sa Free Wi-Fi Internet Access in Public Places, kasama ang mga nakatalagang opisyal ng bawat regional offices para sa mabilis na installation ng libreng access sa koneksyon ng education sector.

Kasama rin ng kagawaran sa hakbang ang Department of Education, Commission on Higher Education, at mga State Universities and Colleges.

“A key factor for this is fast, reliable and secure Internet—we are focusing on speeding up infrastructure buildup to address the expected surge in demand for connectivity in the education sector,” ani Honasan.

Kasali sa mga probisyon ng Republic Act 10929 o Free Internet Access in Public Places Act ang mga eskwelahan, plaza, transport terminals at community quarantine sites bilang pampublikong lugar na dapat may access sa libreng internet.

Simula nang pumutok ang pandemic, aabot sa 50 government designated quarantine facilities daw ang nakinabang dito.

Bukod sa libreng Wi-Fi, may mga programa rin daw na ipinaabot ang DICT para suportahan ang kapasidad sa ICT ng sektor ng edukasyon, tulad ng web seminar sa mga guro at estudyante.

Ngayong buwan asahan daw ang sunod-sunod na online activity at webinar ng ahensya, alinsunod sa pagdiriwang ng National ICT Month 2020.

Itinakda ng DepEd sa August 24 ang pasukan para sa parehong private at public schools. Mariin namang tinutulan ni Sec. Leonor Briones ang face-to-face classes kaya “blended learning” muna ang ipapatupad.