Naglatag ng iba’t-ibang alok na tulong ang Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa sangay ng hudikatura ngayong nasa gitna ng pandemic ang Pilipinas dahil sa COVID-19.

Kabilang sa mga ito ang digital certificate para sa mga piskal at opisyal ng National Prosecution Service ng Department of Justice, para sa online inquest proceedings na ginagawa sa Metro Manila.

“DICT commits to help the judicial system go digital in support of President Duterte’s directives to expedite public services amid the public health emergency,” ani Sec. Gregorio Honasan.

Nakipag-partner na raw ang kagawaran sa Integrated Bar of the Philippines nang isulong ang Online Hearings.

Hanggang ngayon ay patuloy umano ang diskusyon ng dalawang tanggapan para masigurong mabilis at maaasahan ang internet connection sa lahat ng korte sa bansa.

Nagpadala na rin daw ng sulat ang DICT kay IBP national president Atty. Domingo Cayosa, para sa alok na “Philippine National Public Key Infrastructure (PNPKI)” service.

Sa ilalim nito, papayagan ang mga users na mag-apply at mag-install ng digital certificates online. Tugon din daw ito para masigurong confidential ang electronic transaction at mga dokumento, lalo na ng mga abogadong nagwo-work from home.

“To help our lawyers administer their public duties, we highly encourage the IBP to use digital certificates for faster and more secure online legal services.”

Batay daw sa survey na ginawa ng DICT, nasa 1251 na indibidwal sa bansa, mula sa parehong private at public sectors na ang nagamit ng nasabing serbisyo mula nang isailalim sa Community Quarantine ang Pilipinas.

Para sa mga karagdagang detalye, maaaring i-contact ang PNKPI team ng DICT sa: info.pnpki@dict.gov.ph, a sa website na https://dict.gov.ph/pnpki.