Kwinestyon at pinagpaliwanag ang Department of Information and Communications Technology sa patuloy pa ring natatanggap na text scams sa kabila ng milyon-milyong registered SIM cards.
Halos 118 million subscriber na ang nagparehistro ng kani-kanilang SIM cards, ayon yan sa National Telecommunications Commission.
Iniuugnay ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center, isang attached agency ng Department of Information and Communications Technology, ang patuloy na text scam sa pagbili ng mga nakarehistro ng SIM card ng mga organisadong sindikato, gayundin ang mga bagong makina na maaaring manggaya ng SIM card.
Ayon kay CICC Executive Director Alexander Ramos, natuklasan nilang may ilang organisadong sindikato na bumibili ng mga pre-registered na sim card. Aniya, inihain na nila ito sa mga telcos at DICT para masolusyunan kung paano matutugunan ang naturang isyu.
Dagdag pa ni Ramos, may mga bagong machine din daw na dumating sa bansa kung saan hindi na kakailanganin ng SIM card, kundi text blaster na maaaring gayahin ang mga numero ng SIM card.
Nakikipag-coordinate na aniya sila sa Bureau of Customs, upang turuan sila kung ano ang hitsura para mapigilan nila ang pag-import ng mga naturang makina.
Hinimok ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center ang publiko na e-report ang mga text scam, giit ni Ramos, makakatulong ito sa mga awtoridad na matukoy ang pinagmulan ng mensahe.
Samantala, idinagdag niya rin na batay sa kamakailang data, ang mga source ng naturang mga mensahe ay natunton sa katimugang bahagi ng Maynila, bahagi ng Mindanao at bahagi ng Quezon City.