Welcome umano sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pag-anunsiyo ng kumpanyang SpaceX ng bilyonaryong si Elon Musk na available na sa Pilipinas ang satellite internet service nitong Starlink.
Sinabi ng Department of Information and Communications Technology Sec. Ivan John Uy na ang Pilipinas ang unang bansa sa Southeast Asia na makakaranas ng mabilis na internet speed ng Starlink.
Pumapalo raw ito sa 200 mbps na download speed.
Sa pinakahuling survey ng Ookla Speedtest Global index, ang fixed broadband median download speed ng bansa ay nasa 88.13 Mbps.
Dagdag ni Uy, sa pamamagita ng inisyatibong ito, maaari nang makapaghatid ng libreng high-speed internet access ang programa nitong BroadBand ng Masa partikular sa mga geographically isolated at disadvantaged area (GIDA).
Ibig sabihin, matutugunan na ang kadalasang problema ng connectivity sa rural at mga remote communities.
Kaugnay nito, sinabi ng DICT na malapit na rin nitong ilunsad ang kauna-unahang domestic earth station ng Starlink.










