-- Advertisements --

Hinihimok ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang ating mga kababayan na makiisa bilang bahagi ng isasagawang Bayanihan Bakunahan sa isasagawang tatlong araw na National COVID-19 Vaccination Day.

Hinihikayat ng kagawaran ang mga mamamayan lalo na ang mga indibidwal na kabilang sa medical, nursing, health professionals, teachers, professors, data professionals, students, at encoders na maging bahagi ng pagpapalawig ng nasabing bakunahan nagaganapin sa November 29 hanggang December 1, 2021.

Ayon sa DICT, hahatiin ng National Vaccination Operations Center (NVOC) ang mga volunteers sa dalawang grupo: ang Vaccination Team at ang Data Management Team.

Ang mga volunteers na magiging bahagi ng Vaccination Team ay binubuo ng mga health screeners, vaccinators, post-vaccination monitors, at health educators habang kabibilangan naman ng mga encoders, at talliers o data consolidators ang mga volunteers na mapapabilang sa Data Management Team.

Maaaring mag-register online ang mga nagnanais na maging bahagi ng naturang programa.

Una rito ay sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na tuluy-tuloy ang kanilang isinasagawang panghihikayat upang madagdagan ang bilang ng mga volunteers na makikibahagi upang maging matagumpay ang isasagawang Bakunahang Bayanihan sa bansa sa susunod na linggo.

Ang tatlong araw na National COVID-19 Vaccination Day ay ilulunsad ng pamahalaan sa layunin nitong mas mapabilis at mapalawig ang bakunahan laban sa COVID-19 virus sa buong Pilipinas. (Marlene Padiernos)