-- Advertisements --

Binalaan ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Disease (IATF-EID) sa posibleng paglabag sa batas sa bagong panuntunan sa pagpapahatid ng social amelioration program (SAP).

Sa halip aniya na limitahan lamang sa mga benepisyaryo na nakatira sa mga lugar na nasa ilalim pa rin ng enhanced community quarantine ang distribusyon ng SAP, sinabi ni Rodriguez na dapat isama na rin iyong mga nasa general community quarantine areas.

Malinaw naman kasi aniya na nakasaad sa Bayanihan to Heal as One Act na 18 million low-income families ang makakatanggap dapat ng P5,000 hanggang P8,000 na emergency cash subsidy sa loob ng dalawang buwan.

Kaya ang ginawa aniya ng IATF-EID na limitahan ang SAP beneficiaries ay hindi lamang paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act kundi diskriminasyon din.

Kaya naman hinimok ng kongresista si Pangulong Rodrigo Duterte na sa halip na bawasan ay palawakin pa ang SAP para mapasama pa ang mga benepisyaryo na nasa GCQ areas sa makakatanggap pa rin ng ayuda sa second tranche ng programa.

“He has the authority to do that. In fact, based on the statements of his spokesman former Congressman Harry Roque, the President wants five million more poor families to be given financial assistance,” ani Rodriguez.