LEGAZPI CITY – Iginiit ng Department of Agriculture (DA) Bicol na walang kakulangan sa pagbabantay upan hindi makapasok sa Region 5 ang African Swine Fever (ASF).
Ito matapos mabatid na may nagpositibo sa ASF at makarating na sa Mindanao na rason upang isailalim sa culling operation ang libulibong mga baboy sa Davao.
Ayon kay DA Bicol information officer Emily Bordado sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mahigpit ang ipinapatupad na pagbabantay hindi lamang sa mga paliparan, pantalan at terminal kundi maging sa mga bus na dumadaan sa rehiyon patuno sa Visayas at Mindanao na dumadaan sa Matnog Port sa Sorsogon.
Patunay aniya ito sa ipinapatupad na hakbang na “ASF-free” pa ang Visayas hanggang ngayon.
Pinaniniwalaan namang mula sa backdoor ang karne o pork products na pinagmulan ng ASF na nakarating na sa Mindanao.
Samantala mas pina-igting pa ang pagbabantay ng ahensya matapos malaman na may nagpositibo na ASF sa San Nicolas, Quezon na malapit lamang ang distansya sa Bicol.