-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Idinepensa ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Director Renato Solidum ang umano’y kakulangan na abiso kaugnay sa kondisyon ng Bulkang Taal sa Talisay, Batangas.

Ito ay matapos nagkagulatan ang maraming residente sa biglaan daw na pagsabog ng bulkan na nagresulta ng malawakang pagsilikas mula sa ibang mga probinsya patungo sa mas ligtas na lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Solidum na buwan pa lamang ng Marso hanggang Nobyembre 2019 ay hindi na nila nilubayan ang monitoring ng volcanic activities ng Taal.

Ayon pa sa PHIVOLCS director, hindi na nila ikinabigla kung bakit sumabog ang bulkan dahil unang-una ay kailangan na may natural movement ito ng kalikasan.

At bagama’t hindi masyadong nagdala ng panganib ang Taal kompara sa ibang mga aktibong bulkan sa bansa, tinitiyak pa rin ni Solidum na hindi na aabot pa sa ibang lugar katulad sa Visayas at Mindanao ang abo na ibinuga ng bulkan taliwas sa pangamba ng mga tao.