Hindi na kailangan ng private sector na i-donate sa pamahalaan ang ilan sa kanilang mga biniling doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccines, ayon kay presidential adviser for entrepreneurship Joey Concepcion.
Ayon kay Concepcion, sinabi na rin naman kasi aniya ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na magiging sapat na ang supply ng bakuna ng pamahalaan kaya hindi na kailangan pang magbigay ng private sector.
Gayunman, Pebrero pa naman aniya sa susunod na taon inaasahang darating sa Pilipinas ang ibibigay nilang doses ng bakuna sa pamahalaan.
Sa kabila nito, sinabi ni Concepcion na committed pa rin naman ang private sector na tumulong sa vaccine supply ng tinaguriang NCR Plus 8.
Magugunita na ang private sector, local government units at national government ay lumagda sa isang tripartite agreement para sa kabuuang 17 million doses ng AstraZeneca jabs.
Nasa 2.5 million doses sa mga bakunang ito ay darating sa Hulyo o Agosto, na siyang magiging hudyat naman nang pagsisimula nang pagbabakuna ng private sector sa kanilang mga empleyado.










