BAGUIO CITY – Naniniwala ang isang celebrity fashion stylist na hindi na mahalaga kung virtual man o live show ang magaganap na national pageants ngayong taon.

Sa exclusive interview ng Star FM Baguio kay Vhee Co, head stylist ng Binibining Pilipinas, sinabi nito na ang pangunahing layunin at adbokasiya ng isang pageant ay ang mapili ang kandidata na karapat-dapat na magbigay karangalan sa bansa at pangalawa na lang ang inaabangang live show ng marami.

“Actually, napakalaki ng changes ngayon. For me, ang advocacy ng pageant is not the program itself – yung hiyawan, yung sigawan na nakikita mo ng live. Actually, the primary advocacy of pageants is to pick the best girl na magre-represent sa bansa natin. Yung live program is just secondary sa totoong advocacy ng pageants. Atleast ngayon, nakakapag focus na tayo sa main advocacy ng pageant which is kung ano ang kayang gawin ng mga girls at ng mga candidates.”

Kahit may pandemya at krisis aniyang kinakaharap ang lahat ay may paraan pa rin para matuloy ang mga malalaking events.

“Marami tayong ways on how we can make things possible. Napakachallenging ng pandemic na ito especially sa mga competitions but there will always be a way to showcase our advocacies, yung purpose. We can focus on that matter.”

Una na ngang nagdesisyon ang Miss Philippines Earth organization na gawing online ang kompetisyon ngayong taon na sa kasalukuyan ay nagaganap ang preliminary competition.

Samantala, pareho namang postponed at wala pang pinal na petsa ang Binibining Pilipinas at Miss Universe Philippines.