Magkakaroon ng adjustment sa kanilang goal ang koponan ng Pilipinas sa women’s volleyball tournament ng Southeast Asian (SEA) Games 2019 matapos ilampaso “in straight sets” ng defending champions na Thailand kagabi.

Makapigil-hininga ang naging pagtatapos ng huling set ng laban dahil sa hindi paawat na pagkapit ng dalawang team.

Nakuha ng Thailand ang kanilang unang match point sa score 24-19.

Pero tumambay sa service area ang middle blocker na si Maddie Madayag, habang sinasabayan ng puntos nina Alyssa Valdez at Mylene Paat. Naipantay ang score sa 24-24.

Makailang beses na-extend ang match point dahil sa palitan ng opensa at floor defense ng parehong koponan.

Hanggang tapusin ng isang off the block hit ng Thailand ang laban: 32-34 ang final score ng third set.

Sa kabila ng pagkatalo, kontento ang team captain na si Abigail Marano sa naging performance ng kanilang team.

“Since 2015 talagang halos hindi kami maka-block, makahawak ng bola nila, Parang pinaglalaruan kami,” ani Marano.

Masaya rin ang ibang players sa resulta ng game dahil nabigyan nila ng thrill ang huling playing career sa SEA Games ng ilang volleyball player ng Thailand na malapit na rin umanong mag-retiro.

“Ang overwhelming nung feeling lalo na yung buong crowd nagche-cheer na. Sobrang sarap sa feeling kasi lagi naming sinasabi na we will give a good fight para mapasaya yung sambayanang Pilipino. Sana nag-enjoy ‘yung mga Pilipino,” ani Jovelyn Gonzaga.

Tiniyak naman ni head coach Shaq delos Santos na mag-i-improve pa ang paglalaro ng kanyang players sa susunod na game nito kontra Team Indonesia na nagtapos sa second place noong 2017 SEA Games.

“Siyempre mas kailangan namin targetin na manalo hangga’t maaari yung game kasi yung mometum din importante yun. Pero hindi sya ganon kadali na gawin pero pagta-trabahuan talaga namin,” ani Delos Santos.

Bagama’t wala ng tiyansa para sa gold medal ang koponan, tiwala ang women’s team na masusungkit nila ang bronze medal para sa pangakong pagbabalik “podium finish” sa SEA Games matapos ang 14-taong pagiging bakante sa rankings ng regional sporting event.