
Tiniyak ng Department of Foreign Affairs ang tulong na ibibigay para sa dalawang Pinoy na naapektuhan ng malakas na lindol na yumanig sa bansang Turkey.
Ito’y matapos na inilabas ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakikipag-ugnayan na sila sa mga ahensya sa naturang bansa nang mapag-alaman na may Pinoy na nasaktan dahil sa lindol.
Ayon kay Department of Foreign Affairs spokesperson Teresita Daza, ang dalawang Pinoy na nasaktan dahil sa pagyanig ay kasalukuyan nang nasa maayos na kalagayan.
Aniya, sa Syria naman na naapektuhan din ng malakas na lindol, wala pang naiulat na pinsala.
Gayunpaman, 60 Pilipino sa Syria ang naitala na naapektuhan ng sakuna.
Una rito, inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na magpapadala ang Pilipinas ng 85-man team para tumulong sa Turkey na nakaranas ng malakas na lindol.