Nauwi sa hamunan ng suntukan ang kilos protesta na ilang militanteng grupo sa Pasay City matapos mapikon ang mismong kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) na si Sec. Teddyboy Locsin Jr.

Sinugod at kinompronta ni Sec. Locsin ang mga miyembro ng Migrante International, Courage at Bayan Muna na tutol sa pagpapadala ng gobyerno ng mga sundalo sa Gitnang Silangan.

Pangamba nila, baka malagay sa mas komplikadong sitwasyon ang mga overseas Filipino workers (OFW) doon kung sasawsaw ang tropa ng Pilipinas sa hidwaan ng Amerika at Iran.

Hinamon ni Locsin ng suntukan ang protesters nang tumanggi ang mga ito na pakinggan ang kanyang paliwanag.

Pina-atras pa ng kalihim ang kanyang mga bodyguard.

-- Advertisement --

Humupa lang ang sitwasyon nang magkasundo ang dalawang panig na makinig sa mga paliwanag at hinaing.

Nangako si Locsin na tutulungan ang isang emosyonal na raliyistang nagpapasaklolo sa kanyang kapatid na nasa Saudi Arabia.

Kung maaalala, sinabi ng Armed Forces of the Philippines na humanitarion mission ang gagawin ng militar sa Middle East para tumulong sa pagsundo sa mga OFW.