Magsisilbing kinatawan ng Pilipinas si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa leaders’ summit sa pagitan ng United States at Association of Southeast Asian Nations (Asean) sa susunod na linggo.
Ito ang kinumpirma mismo ni Philippine Ambassador to US Jose Manuel Romualdez.
Sinabi ng envoy na ang top diplomat ay dadalo sa event na hahalili kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Una na kasing sinabi ng Pangulong Duterte na hindi ito dadalo sa summit dahil sa mga panahon na ito ay mayroon nang bagong halal na pangulo o president-elect ang bansa.
Isasagawa kasi ang summit sa Mayo 12 o tatlong araw matapos ang May 9 elections.
Naiintindihan naman daw ni Romualdez ang desisyon ng Pangulong Duterte na huwag nang dumalo sa summit.
Hindi raw dadalo dito ang pangulo dahil na rin sa delicadeza at umiiwas itong gumawa ng desisyon o commitment sa summit na posibleng hindi na align sa polisiya ng susunod na pangulo ng Pilipinas.
Pero sa kabila nito, sinabi ni Romualdez na mahalaga ang partisipasyon dito ng Manila dahil asahang sesentro ang talakayan sa malawak na range ng mutula interest at concern.
Kabilang na dito ang defense and security, future pandemic response, climate change, maritime cooperation, economic engagement, energy, digital technology and strengthening people-to-people ties at marami pang iba.
Ang special summit na pangungunahan ni US President Joe Biden ay mula Mayo 12 hanggang Mayo 13 na isasagawa sa Washington, DC.