DAGUPAN CITY — Nananatiling hindi pa rin makumpirma kung ilan ang tiyak na bilang ng mga apektadong Pilipino sa wildfire sa isla ng Maui sa Hawaii.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Usec. Eddie de Vega, Migrant Workers Affairs ng Department of Foreign Affairs, sinabi nito na mayroon na silang itinalagang consular team na unang nagreport na may walong mga Pilipino na iba ang hinihinging tulong, gaya na lamang sa pagluluwag ng mga requirements at ibang papeles para sa kanilang passport dahil wala na ring pera ang mga ito.
Aniya na kanila itong pinahintulutan lalo na’t malaki ang iniwang pinsala ng naturang wildfire kung saan ay naabo ang kalakhan sa bayan ng Lahaina.
Maliban dito ay nakontak na nila ang 50 na mga guro sa Maui at nakumpirma nilang ligtas ang mga ito dahil wala sila sa lugar kung saan nanalasa ang wildfire.
Gayunpaman ay nagpapatuloy pa rin ang kanilang itinalagang grupo sa pangunguna ni Consul Gen. Emilio Fernandez sa Wailuku kung saan ay nagsasagawa sila ng operasyon upang makuha ang mga pangalan ng mga nasawi na umabot na sa mahigit 100, at makilala kung mayroong Pilipino sa mga ito.
Sa kasalukuyan ay wala pa naman umanong kumukontak sa kanilang tanggapan na mga kamag-anak ng biktima, kaya naman ay nakikita nila na maaaring nasa Hawaii ang lahat ng pamilya ng mga ito.
Subalit hinihikayat pa rin nito ang publiko na kung mayroon silang pamilya o kamag-anak sa Hawaii ay maaari silang tumawag sa hotline ng Konsulado na +1-808-253-9446, habang maaari ring sumangguni sa Facebook ng Department of Foreign Affairs na Overseas Filipino Workers (OFW) Help.
Binigyang-diin din ni de Vega na kung may mga nagnanais din na marepatriate ay tutulungan nila kaagad ang mga ito.
Saad pa ng naturang opisyal na kung mayroon man na mga Pilipino na permanenteng residente ng Amerika ay kinakailangang respetuhin ng Department of Foreign Affairs ang kanilang hurisdiksyon sa mga ito.
Kaya naman isa sa inirerekomenda ng Departamento kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ay ang magbigay ng donasyon sa Hawaii dahil siguradong matatanggap ito ng mga Filipino-Americans sa naturang lugar.
Kaugnay nito ay tiniyak naman ni de Vega na kung nakauwi na ang mga Pilipino na nais magparepatriate mula sa Hawaii ay bibigyan sila ng trabaho sa bansa, subalit wala pa namang lumalapit sa kanila at humihingi ng tulong na makabalik ng Pilipinas.










