Nakatakdang magsagawa ng search and rescue operations para sa 3 Filipino sa Israel na nawawala pa rin sa gitna ng digmaan sa mga militanteng Hamas sa Gaza.
Ayon kay DFA Usec. Eduardo de Vega, maaaring dinakip sila at dinala ng mga Hamas sa Gaza.
Nang tanungin kung ang mga Pilipinong ito ay hostage ng mga militanteng Hamas, sinabi ni De Vega na “posible.”
Aniya, noong nakaraang linggo, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang DFA at ibang mga pamahalaan na humingi ng kritikal na tulong sa paghahanap ng mga Pilipinong hindi pa nakikilala at tulungan silang makaalis sa Gaza.
Hindi bababa sa 22 sa mahigit 30,000 Pilipino na kasalukuyang nasa Israel ang nagpahayag ng kanilang intensyon na bumalik sa Pilipinas.
Giit ni de Vega na mayroong 135 na Pilipino sa Gaza, ngunit sa ngayon ay wala pang paraan upang iligtas o maiuwi dito sa Pilipinas dahil kasalukuyan pa lamang nakikipag-ugnayan ang ahensya upang mapabuksan ang Rafah Border Crossing.