-- Advertisements --

Muling iginiit ng Department of Foreign Affairs na walang nilabag na anumang kasunduan ang Pilipinas hinggil sa mga ikinakasa nitong Rotation and Resupply mission ng tropa ng militar sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.

Ito ang binigyang-diin ni DFA spokesperson Ambassador Ma. Teresita Daza kasunod ng mga akusasyon ng China na nilabag daw ng ating bansa ang kasunuduan sa pagitan ng Pilipinas at China.

Paglilinaw ni Daza, walang pinapasok na anumang uri ng kasunduan sa China ang Pilipinas na may kaugnayan sa soberanya ng ating bansa sa West Philippine Sea.

Ang mga pahayag aniya na ito ng China ay batay lamang daw sa mga supposed arrangements o agreements na hindi naman aniya pinasok ang Pilipinas lalo na ang mga usapin patungkol sa pag-abandona sa sovereign rights at hurisdiksyon ng ating bansa sa exclusive economic zone ng ating bansa sa West Philippine Sea partikular na sa bahagi ng Ayungin shoal.

Samantala, sa kabilang banda naman ay tinawag din ni NTF-WPS spokesperson, at National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya na paulit-ulit at parang sirang plaka ang China sa pagpupumilit nito sa mga umano’y claims ng kanilang bansa sa mga teritoryong nasasakupan ng Pilipinas sa West Philippine Sea na wala naman aniyang naniniwala. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)