-- Advertisements --

Hindi inaasahang hihingi ng repatriation ang mga Pilipinong nakabase sa isla ng Maui sa kabila ng massive wildfires na sumira sa bayan ng Lahaina, ayon sa opisyal ng Department of Foreign Affairs.

Iginiit ni Department of Foreign Affairs Assistant Secretary Paul Cortes na ang mga pinoy na nasunog ang bahay dulot ng naturang wildfires ay inilikas na ng mga awtoridad sa shelters sa loob din Maui.

Aniya pa, itong mga kababayan natin na nasa United States ay permanent residents. Ibig sabihin, doon na talaga ang mga ito naninirahan, at malabo daw na hihingi sila ng repatriation tulad ng hinihingi ng mga kababayan natin na apektado sa krisis sa Sudan at Turkey.

Gayunpaman, sinabi ni Cortes na tutulungan ng Philippine Government ang sinumang may Philippine passport-holders na gustong umuwi at manatili sa Pilipinas.

Samantala, umabot na sa 96 ang bilang ng mga nasawi dahil sa sunog sa Maui, habang hindi pa rin sinasabi ng mga awtoridad ang breakdown ng kanilang ethnicities.

Nauna nang sinabi ng Maui Filipino Chamber of Commerce na daan-daang Pilipino ang kabilang sa mahigit 1,000 na nawawala sa wildfire na sumiklab noong nakaraang linggo.

Sinabi ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na mayroong 25,000 Filipino-Americans sa Maui, na binubuo ng 17% ng populasyon ng isla.

Ayon pa kay De Vega, hanggang sa kasalukuyan ay wala pang kumpirmadong Pilipinong iniulat na namatay dahil sa nasabing wildfire.