-- Advertisements --

Itinanggi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang alegasyon na kulang sa transparency ang mga talakayan sa panukalang pagbabago sa memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng Philippine Coast Guard (PCG) at China Coast Guard (CCG).

Ayon sa DFA, hindi umano lihim o unilateral ang usapan at may buong kaalaman at partisipasyon ang PCG.

Binigyang-diin ng DFA na ang mga usapan ay dumaraan sa tamang diplomatic channels at naiuulat sa mga pangunahing opisyal, kabilang ang National Security Adviser at Kalihim ng Foreign Affairs at PCG Commandant.

Dagdag pa rito, limitado lamang ang saklaw ng amendments at hindi kasama ang joint patrols o sensitibong operasyon.

Ang kasunduang unang nilagdaan noong 2016 ay kasalukuyang tinatalakay mula pa 2024 upang ma-update.

Bago rin ang Bilateral Consultation Mechanism (BCM) meeting noong Marso, iniulat na ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan noong Enero ang estado ng negosasyon.

Layunin aniya nitong buhayin ang Joint Coast Guard Committee bilang pormal na linya ng komunikasyon.

Ayon sa DFA, ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panatilihin ang dayalogo sa China habang pinangangalagaan ang soberanya ng ating bansa at ang 2016 arbitral ruling.